Monday, June 15, 2015

Tadhana


Tadhana
by: big boy

Si Elbert ay isang executive sa isang bangko dito sa Maynila. Una ko siyang nakilala noong elementarya pa lamang kami. Bagong lipat sila noon sa aming subdivision at simula noon ay naging magkaibigan na kami. Mga professionals din ang kanyang mga magulang kaya naman lumaki siyang sagana sa lahat ng bagay. Subalit hindi niya inabuso ang kanilang katayuan sa buhay. Nagsumikap din siyang mag-aral at makapagtapos na may medalya inialay sa mga magulang. Matalino siya kaya naman hindi siya nahirapan makapasa sa examinination para sa mga accountants. Dahil sa abilidad ni Elbert ay naging mabilis din ang pag-angat niya sa kanyang profession. Subalit hindi sa lahat ng bagay ay madaling nagtatagumpay si Elbert. Sa larangan ng pag-ibig doon siya tila nahihirapan.

High school kami noon ng magkaroon kami ng sari-sariling syota. Noon pa man ay napapansin ko na bihira tumagal ang relasyon ni Elbert sa kanyang mga naging syota. Mabibilang mo lang sa mga daliri sa isang kamay ang nalaman kong syota ni Elbert. Tila pihikan siya sa babae. Sa aking palagay, kapag nakilala na niya ng lubusan ang babae ay tinatabangan na siya dito na nagiging sanhi ng kanilang hiwalayan. Nagkaroon na ako ng asawa’t mga anak ay wala pa ring maituturing na tunay at seryosong syota si Elbert. Kaibigan ko nga si Elbert pero sa aspeto ng pag-ibig ay tila di siya bukas sa ibang tao kahit sa sarili nitong pamilya.

Minsan gumimik kaming dalawa sa isang bar sa Malate. Sinubukan namin ang isang bar na di pa namin napapasukan. Wala kaming kaalam-alam na tambayan pala iyon ng mga discreet na kalalakihan. Nakapag-order na kami ng aming inumin at pulutan ng malaman namin iyon dahil binulungan kami ng waiter kung sino sa mga lalaki sa tabi ng bar ang gusto naming makasama sa table. Nabigla kaming dalawa.

“Trip lang pare, kausapin natin kahit isa lang sa kanila” ang hamon ko kay Elbert.

“Pare nakakahiya, baka pagkamalan tayo nyan” ang tugon ni Elbert.

“Don’t worry pare, wala naman sigurong makakakilala sa atin” ang sabi ko naman.

Tinawag ko ang waiter at sinabi ko na yung naka-itim na polo ang tawagin niya. Lumapit sa amin ang lalaking naka-itim na polo at nagpakilalang si Rob. Tunog imported ang pangalan niya na bagay lamang sa mestizo niyang pagmumukha. Matapos ang pagpapakilala ay nagsimula na kaming magkwentuhan. Umorder si Rob ng beer. Naging mausisa si Rob tungkol sa aming dalawa ni Elbert pero sa simula pa lang ng aming kwentuhan at ipinahayag na namin kay Rob na trip lang ang ginagawa namin at napasubo lang kami sa pagpasok sa bar na iyon.

Nang makarami na kami ng nainom ay lalong sumarap ang aming kwentuhan. Napunta rin sa pagtatanong sa buhay ni Rob ang naging topic namin. Ipinanganak sa Cebu si Rob pero sa Maynila na siya lumaki kasama ang kanyang foster parents. Pinaampon kasi siya ng tunay niyang mga magulang dahil di nila kaya ang buhayin pa si Rob. Bata pa siya ay alam na niya na ampon lamang siya dahil laging ipinamumukha sa kanya ng mga tunay na anak ng umampon sa kanya. Nang magteenager na siya ay lumayas siya sa bahay ng umampon sa kanya dahil hindi niya madama ang pagmamahal mula sa kanino mang miyembro ng pamilyang iyon. Sa paghahanap ng matitirahan at makakain ay napadpad siya sa isang parlor. Nagkainteres sa kanya ang baklang may ari ng parlor kaya siya kinupkop nito.

Akala niya ay tunay na kalinga ang ibinibigay ng baklang kumupkop sa kanya subalit di nagtagal ay ginawan siya ng kahalayan. Sa mura niyang edad ay wala siyang nagawa. Upang manatili siyang may tirahan at may makakain ay nagbaubaya siya sa gawain ng baklang ito sa kanya. Nang siya ay 17 years old na ay binatang binata na siyang tignan. Sa taglay niyang kagwapuhan ay maraming mga kaibigang bading na kumupkop sa kanya ang nagnanasa na matikman siya. Syempre hindi naman pumapayag ang bading na kumupkop sa kanya. Hanggang sa may mag-alok sa kanya na tumambay sa isang bar kung nais niyang magkapera ng malaki.

Napag-isipan din ni Rob na tutal ginagamit din siya ng bading na kumupkop sa kanya ay pwede na rin siyang paggamit sa iba na may kabayaran. Sa mga unang araw ni Rob sa bar na iyon ay pinagkaguluhan siya. Malaki ang kinikita ni Rob kumpara sa mga kasabayan niyang baguhan. Nilisan na rin niya ang bading na kumumkop sa kanya at nakisama siya sa apartment ng kapwa niya call boy sa bar na iyon. Taon din ang inilagi ni Rob sa bar na iyon. Nang makaipon siya ng malaking salapi ay bumalik siya sa Cebu upang hanapin ang kanyang tunay na mga magulang.

Di naman siya nahirapan sa paghahanap dahil kilalang naglalako ng kakanin ang kanyang ina at isang driver naman ang kanyang ama. Walo pa pala ang mga kapatid ni Rob. Ang iba ay may asawa’t anak na. Subalit lahat sila ay pawang palamunin pa rin ng kanyang mga magulang. Hirap na hirap sa buhay ang pamilya ni Rob. Ang mga nagsipag-asawa ay pawang high school graduate lang at wala ring trabaho. Sa tingin niya ganoon din ang mangyayari sa nakababata niyang kapatid. Kapag natapos ng high school ay magsisipag-asawa din sila kahit wala silang trabaho. Dagdag sa pabigat sa kanyang mga magulang.

Awang-awa si Rob sa kalagayan ng kanyang pamilya. Nais man niyang sisihin ang kanyang mga magulang sa pagpapaampon sa kanya ay di na niya ito magawa. Parepareho lang naman sila na dumadaan sa hirap subalit siya ay ginagawang puhunan ang katawan upang makaraos sa buhay. Di na siya nagtagal sa Cebu at bumalik na siya sa Maynila. Nangako naman siya na magpapadala siya ng pera kapag meron siya pero hiniling niya sa mga magulang niya na pag-aralin ang kanyang mga kapatid kahit vocational course lamang upang masiguro naman na may hanap buhay sila pagnakapagtapos sila.

Lalo pang nagsumikap sa hanapbuhay si Rob. Dati-rati ay kuntento na siya sa isang customer isang gabi. Subalit ngayon ay habang merong naghahanap sa kanya ay pumapayag siya. Pumayag din siya ng home service. Dinagdagan pa nito ang kaalaman sa pagpapaligaya ng mag-aral siyang magmasahe. Kayod marino talaga si Rob upang maging sapat sa kanyang pamilya sa Cebu.

Nagkaroon ng malaking suliranin si Rob ng ma-raid ang bar na pinapasukan niya. Tanging sa pagmamasahe at home service na lang siya kumikita. Hirap si Rob makakuha ng customer dahil wala na siyang matatambayan na bar di tulad ng dati. Isang customer niya ang nagyaya sa kanya sa bagong bar na napasukan namin ni Elbert. Big time ang mga nagiging customer ni Rob kaya nanumbalik ang laki ng kinikita nito. Marami din ang nag-alok sa kanya ng relationship pero binalewala lamang niya ang mga iyon.

Hahaba pa sana ang aming kwentuhan ng biglang nag-ring ang telepono ko. Laging kaba ko ng misis ko pala ang tumatawag sa akin at lalo akong kinabahan ng makita ko ang aking relo. Pasado alas dose na pala. Bago kami nagpaalam kay Rob ay nagbigay kami ng calling card kay Rob at sinabi din namin na kung sawa na siya sa ganoon trabaho ay baka matulungan naming makapasok sa isang opisina. Inabutan din namin siya ng konting salapi na pilit niyang tinatanggihan. Ipinasok ko na lamang iyon sa bulsa ng kanyang polo.

Lumipas ang mga araw ay napansin ko ang pagbabago kay Elbert. Masayahin na ito at tila nabawasan ang pagiging seryoso nito sa buhay. Nabalitaan ko rin na madalas na itong gabihin sa kanyang pag-uwi. Nasa bahay ako ni Elbert nang minsang nag-ring ang telepono niya.

“Hello…….. oh Rob, napatawag ka” ang sagot ni Elbert ng angatin niya ang telepono.

Nabigla ako dahil alam na ni Rob ang telephone number sa bahay ni Elbert. Pero nagdududa pa rin ako kung yung Rob nga na nakilala namin sa bar ang kausap niya sa telepono. Masaya ang naging usapan nila sa telepono. Nang matapos sila ay tinanong ko si Elbert kung si Rob nga na nakilala namin sa bar ang kausap niya. Inamin namin niya na siya iyon pero sinabi din niya na tinutulungan niyang makapasok ito sa opisina nila kaya napatawag sa kanya si Rob.

Wala pa rin akong kalam-alam sa mga sumunod na naging decision ni Elbert. Dahil sa di ko na siya masyadong nakikita sa subdivision namin at binisita ko siya sa kanilang bahay. Wala na pala doon si Elbert. Nangungupahan na pala ito sa isang condominium malapit sa bangkong pinapasukan niya. Nalaman ko sa kanyang mga magulang ang tinitirahan nitong condominium at isang araw ay sinadya ko talaga itong puntahan.

Laking gulat ko ng abutan ko doon si Rob. Wala doon si Elbert dahil nag-overtime daw ito. Nakipagkwentuhan ako kay Rob habang naghihintay kay Elbert. Nabigla din si Elbert ng datnan niya ako sa kanyang tinutuluyan. Inihanda ni Rob ang aming hapunan at nagpatuloy kami sa aming kwentuhan habang kumakain. Di ko man tinatanong ay ipinagtapat ni Elbert sa akin na nagsasama na sila ni Rob. Tumigil na si Rob sa gawain nito sa bar. Isang messenger/expediter na si Rob sa bangkong pinapasukan ni Elbert. Inamin ni Rob na nahihirapan siya sa trabaho niya pero kailangan na niyang magbago ng hanapbuhay lalo na ngayong nagsasama na sila ni Elbert. Di siya nakapagtapos sa college kaya wala din siyang alam na trabaho sa opisina. Iyon laman ang tanging qualified siya sa opisina ni Elbert.

Naging supportive naman ako kay Elbert sa kanyang naging decision. Alam ko iyon ang kaligayahan niya. Minsan ay naisasama nila ako sa kanilang gimik at ako mismo ang naging saksi ng isang tapat na pagmamahalan. Masaya na sana silang dalawa hanggang sa malaman ng pamilya ni Elbert ang ginagawa nito. Sumugod isang araw ang mga magulang ni Elbert sa tinitirahang condominium nito. Tanging si Rob ang kanilang naabutan. Sa galit ng mga magulang ni Elbert ay napagsabihan nila ng mga masasamang salita si Rob. Halos hamakin nila ang buong pagkatao ni Rob. Higit sa lahat ay pinagbintangan pa si Rob na isang manggagamit at mapagsamantala. Lalong nagwala ang mga magulang ni Elbert sa kanyang pagdating. Hiyang hiya si Elbert sa anasal ng kanyang mga magulang kay Rob. Nais man niyang paliwanangan ang mga magulang ay tila di na siya pinakikinggan ng mga ito. Nanahimik na lang siya at ganoon din si Rob. Di pumayag na umuwi ang mga magulang ni Elbert kung hindi siya kasama. Nagpaubaya naman si Rob sa nais ng mga magulang ni Elbert.

Kinabukasan di pumasok sa trabaho si Rob kaya bumalik sa condominium si Elbert subalit wala na doon si Rob. Tanging liham ng pagpapaalam ang nakita ni Elbert sa ibabaw ng kanilang kama. Hinanap niya si Rob sa bar na dati nitong pinapasukan pero wala ring Rob ang nagpunta daw doon. Halos libutin ni Elbert ang kamaynilaan sa mga lugar na posibleng puntahan ni Rob subalit di niya nakita si Rob. Naghihinagpis ang kanyang kalooban ng umuwi siya sa kanyang mga magulang. Nais niyang ilabas ang kanyang sama ng loob sa mga magulang pero nagtimpi na lamang siya.

Ang gabing iyon ang naging simula ng pagiging malungkutin at bugnutin ni Elbert. Madalas na siya sa mga gay bar. Pati trabaho niya ay napapabayaan na niya. Hanggang sa dapuan ng sakit si Elbert. Nalulong sa alak si Elbert na naging sanhi ng pagbagsak ng katawan nito. Nangayayat siya at nanumbalik ang pagiging astmatic niya. Naalarma ang mga magulang ni Elbert kaya humingi sila ng tulong sa akin. Noon ko ipinagtapat sa kanila na matagal ko ng alam ang relasyon nina Elbert at Rob. Ako rin ang nagpatunay na tunay at wagas ang kanilang pagtitinginan. Walang masabi ang mga magulang ni Elbert kundi ang pagsisihan ang kanilang ginawa sa anak.

Lalo silang nagimbal ng lumabas ang huling pasusuri ng doctor kay Elbert. HIV positive na si Elbert. Marahil ay nakuha niya ito sa madalas niyang paggamit ng kung sinu-sinong callboy. Halos madurog ang mga puso ng magulang ni Elbert sa kanilang nalaman. Napilitan na ring mag-resign sa trabaho si Elbert dahil sa kanyang kalagayan. Nanatili na lamang siya sa kanilang bahay at naging madalas ang aking pagbisita sa kanya. Kahit alagang-alaga siya ay di ko siya makitaan ng pagkukusa na sumigla muli. Noon ko naisip na hanapin si Rob.

Base sa mga kwento ni Rob sa amin ay pinilit kong hanapin ang pamilya niya sa Cebu. Marahil ay sila ang magiging susi sa kinaroroonan ni Rob. Tulad ng kwento ni Rob madali ko ngang nahanap ang mga magulang nito. Tama nga ako, doon ko rin natagpuan si Rob. Isa na rin siyang driver ng jeep. Ipinaalam ko kay Rob ang kalagayan ni Elbert at siya mismo ang nagpumilit na makita si Elbert. Iyon talaga ang pakay ko sa pagpunta ko sa Cebu. Nais ko na sa pag-uwi ko ay maisama ko si Rob sa Maynila.

Agad din kaming nagtungo sa Maynila. Kahit di ako sigurado kung ano ang magiging reaction ng mga magulang ni Elbert ay isinama ko si Rob sa bahay nila. Tuwang tuwa si Elbert ng makita niyang muli si Rob. Subalit pinigilan pa rin niya ang sarili na ipakita ng lubusan ang kaligayahan dahil nandoroon ang kanyang mga magulang. Sa halip na magalit ang kanyang mga magulang ay pinasalamatan nila si Rob sa pagdalaw nito sa kanilang anak. Humingi din sila ng kapatawaran sa paghamak nila sa pagkatao ni Rob. Humingi din ng pasasalamat sa aking ang mga magulang ni Elbert sa aking mga nagawa upang maging masayang muli si Elbert.

Hindi na nila pinaalis ng bahay si Rob ng araw na iyon. Pinigilan na rin nila itong bumalik sa Cebu. Pinilit nilang manirahan na sa kanilang bahay si Rob at bukas loob naman tinanggap ito ni Rob. Sa pagsisilbi ni Rob kay Elbert ay nanumbalik ang dating sigla nito. Noon napatunayan ng mga magulang ni Elbert na isang wagas na pagmamahalan ang namamagitan kina Elbert at Rob. Simula noon ay itinuring na rin nilang anak si Rob.

Alam nilang lahat na hindi na magtatagal ang buhay ni Elbert. Subalit sa kalinga at pagmamahal na ipinapadama nila kay Elbert ay nagmistulang walang karamdaman ito. Nakapagsimula pa ito ng maliit na business na kapwa nila pinagkakaabalahan ni Rob. Lalong naging matibay ang samahan ng dalawa. Nagawa pang kunin ni Rob ang ilan sa nakababata niyang kapatid upang mapag-aral ng kolehiyo dito sa Maynila. Hanggang ngayon ay maayos pa rin ang kalagyan ni Elbert. Ni hindi na nila iniisip ang kanyang karamdaman subalit handa naman silang dalawa na harapin ang kanilang paghihiwalay kapag dumating ang takdang oras. Kung kailan, tanging tadhana na lamang ang makapagsasabi.

- W A K A S -

 

No comments:

Post a Comment

Iputok mo ditto, Pre!