Monday, May 4, 2015

Oo Na


Oo Na
by: creexs

May gagawin ka ba mamayang hapon?"
"Wala naman masyado. Tatapusin ko lang i-type yung paper ko sa Philo. Bakit? Ililibre mo ba ako?"
"Hindi. May ipapakilala ako. Naghahanap ng girlfriend sakin. Pagtritripan ko siya, ikaw ang ipapakilala ko."
"Huh? Baka suntukin ako niyan."
"Hindi yan, ako'ng bahala."
"Bahala ka na nga. Hoy, mauna na ako. Late na ako eh!"
"Basta ititext na lang kita."
"Oo na."

Niyakap niya ako. Yung yakap pang-barkada. Sabay sabi ng:
"Bait mo talaga best-friend."
Ako na ang kumawala sa yakapang iyon. Mali-late na naman kasi ako para sa klase ko. Sayang. Ito yung mga pagkakataong gusto ko sanang tumigil ang oras. Pakshit na klase kasi yan. Parang gusto kong umabsent.

Alam naman niya na bakla ako. Simula bata pa kasi, magkalaro na kami kaya kilala na namin ang isa't-isa. Alam na ang mga liko ng bawat bituka kumbaga. Ang hindi lang niya alam, hindi na lang basta kaibigan ang turing ko sa kanya. In-love na ako sa kanya.

I love him na. Nagsimula ito bago kami grumadweyt sa elementary. Siya lang kasi nakakausap ko. Siya lang ang nakakaintindi sa akin. Siya lang ang nakikinig. Nakakatuwa nga kasi inaasar kami ng mga kaklase namin na bagay daw kami. Parang you and me against the world ang drama ng lola mo. Sabi ko sa kanila magsitigil silang mga tsismosa. Palagi ako ang nauunang nagsasabing magbest-friend lang kami. Sa isip ko, hindi lang kami bagay kundi perfect pair. Tumigil rin yung mga tuksuhan nung hindi na namin sila pinapansin.

Kaya lang, medyo nagkatampuhan kami nung second year nung bigla siyang nagkagirlfriend nang hindi man lang ako sinasabihan. Nalaman ko na lang nung makita ko silang magkasama nung girl na masinsinang naguusap. Ang hirap kasi nun. Hindi ko alam kung best-friend pa ba niya ako o ipinagkalulong na dahil sa kinakahiya na niya ako. Isang linggo rin ang lumipas nung magbreak sila ng mahaderang babaeng yun. At saka niya ako pinansin uli.

Pinansin. Oo. Pinansin. Para ngang alang nangyari eh. Parang walang nangyaring pananraydor sa akin. Kinausap niya ako. Nung una, hindi ko siya pinansin. Kaya lang, hindi ko siya matiis eh. Ayun, nabulok yung pride ko sa kangkungan. Nakakalungkot lang kasi nangyari pa ulit iyon ng ilang beses. Pero pinalalagpas parin iyun ng lokang lola mo. Mahal ko kasi siya.

Wala na kaming tinatago sa isa't-isa. Lahat nakita ko na sa kanya. Ganun rin siya. Hanggang ngayon, magkasama kami sa unibersidad. Siyempre, sa isang apartment room na rin. Feeling ko nga, naglilive-in na kami eh. Pero panaginip ko lang pala yung paglilive-in na yan.

Muntik na akong lumipat nung madatnan siya na nakikipag-ano sa isang babae na dun ko lang nakita. Maaga kaming pinalabas ng professor ko nun. May pinagawang paper at maaga akong natapos. Umuwi na ako. Inaantok pa kasi ako dahil sa pagra-rush ng paper ko para sa journ class ko. Nagtaka ako sa nakabukas na ilaw sa loob ng room.

Hindi pa kasi ito oras ng uwian ni Paolo. Binuksan ko yung room naming dalawa nang makita ko sila ng babaeng yun, parehong hubad, magkapatong. Natigilan sila. Agad na nagtakip ng kumot yung babae. Pero hindi gumalaw si Paulo. Humihingal silang dalawa. Pagod sa naantalang pagsasaya. Nagsorry ako at lumabas ng room. Lumabas ng apartment.

Hindi ko namalayang umiiyak na pala ako habang palabas ng building na yun. Wala akong pakialam kung malabo ang mga mata ko dahil sa mga luhang ayaw tumigil kahit pinipigilan. Walang pakialam kung saan ipadpad ng mga paang bingi sa direksiyon. Walang pakialam kung sa araw na iyon ay mahagip ng tangang sasakyan.

Masakit. Para na naman akong napagtripan. Trinaydor. Niloko. Pero naisip ko, bakit ko iisiping niloko ako samantalang hindi naman kami? Bakit maaapektuhan ang itinuturing na best-friend lang? Bakit ako iiyak sa mapanlinlang na pangangarap?

Kailangan kong gumising. Malabo. Magulo ang mundong nakaharap sa pangarap ko para sa aming dalawa.

Tumunog ang cellphone ko. Oo nga, kailangan ko na namang sundin siya. Kailangan ko na namang maging martir para sa kanya kahit ang pagiging martir na iyon ay pang-aasar lang ng dibdib ko. Ng isip ko. Inilabas ko yung CP ko mula sa bulsa. Babasahin ko na yung text niya nang biglang tumulo yung luha kong kanina pa lumalambitin sa dulo ng mata ko. Napaiyak pa ako sa kaaalala ng mga nangyari. Parang nanood na naman ako ng MMK, kaya lang kwento ko mismo yung napanood ko.

"Mit mu xa s resto n pnupunthn ntn..tnungin mu s w8er qng san table n pinaresrve ni Mr. Paolo Trianes"
"K.san k maya?punta k rn b dun?"

Tang-ina. Di na siya nagreply. Unattended na naman cellphone niya. Natatakot akong pumunta. Pero sige na nga.

Pagbalik ko kinagabihan, si Paolo na lang yung nandoon sa room naming dalawa.
"'Sensya na, akala ko kasi late ka uuwi eh."
"Ok lang yun. Ang sexy niya a."
"Mas sexy ka parin."

"Gago, binobola mo na naman ako. Naku Paolo, kilala na kita, bulok na yang style mo noh."
Ayun. Ok na naman kami. Martir na naman ako.

Dumating ako sa resto. Pinuntahan yung waiter at tinanong yung pangalan na tinext ni Paolo. Ala pa yung guy. Bwisit talaga 'tong Paolong 'to. Mukhang pina-late pa nya yung lalake para mas magulat siya kapag nakita na niya na bakla pala ka-date nya.

Naghintay ako ng ilang minuto pero wala parin siya. Di naman nagrereply si Paolo sa mga text ko. Patayo na ako nang makita si Paolo sa may pintuan ng resto.
"Paolo? Nasan na siya?"
"Sandali lang." Binigay niya sa akin yung dala niyang flowers.
"Bakit? Hindi ko na maintindihan?"

Ngayon ko lang napansing seryoso ang mukha niya. Parang may kung anong sumapi.
"Jo, sorry . . . dapat matagal ko nang sinabi. Ilang beses ko nang pinigil ang sarili ko. Akala ko dahil palagi lang tayong magkasama kaya inakala kong pangkaibigan lang itong nararamdaman ko sa iyo."
Tumigil siya.
Hindi ako nagsalita. Alam ko na ang susunod na sasabihin niya.
"Jo, mahal na kita."
Nangungusap ang mata niya. Tinitigan. Mata sa mata. Hindi pala totoo yung plano niya kaninang lokohin yung friend niya. Marahan akong tumayo sa upuan at tinitigan siya.

"Paolo, bakit ngayon lang? Bakit ngayon lang kung kelan nagsawa na ako? Ayoko nang maging martir sa harp ng mga tao at sa sarili ko? Bakit ngayon lang kung kelan gusto ko nang humiwalay sa 'yo? Nagtiis ako. Naghintay ng tamang pagkakataon para sabihin at ipagtapat sayo. Paolo, bakit ngayon pa kung kelan gusto na kitang kalimutan?"

Iniwan ko siya. Alam ko kahit nakatalikod ako, sinusundan niya ako ng tingin. Alam ko, sa pagkakataong ito, hindi ako iiyak.

Hindi ako iiyak. Ang luha ay para sa katangahan. Alam kong tama ang ginawa ko. Aanhin ko naman na maging kami kung hindi niya talaga ako mahal? Oo. Kilala ko siya. Hindi niya ako mahal. Ako yung friend niya na gusto niyang lokohin. Tang-ina niya. Ako? Maloloko niya. Gago siya. Tanga siya na ako pa ang niloko niya.

Gago.
Eto na naman siya. Naglalambitin sa dulo ng mata. Hindi ko na nga pipigilan. Alam ko namang tutulo parin siya.

 

No comments:

Post a Comment

Iputok mo ditto, Pre!